2 suspek, arestado sa buy-bust operation sa Lucena City; Php1.08M halaga ng hinihinalang shabu, nakumpiska

0
32

Nakumpiska ang nasa Php1.08 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang suspek ng mga operatiba ng Lucena Component City Police Station sa isinagawang buy-bust operation noong gabi ng Agosto 14, 2026 sa Purok Matahimik Isla, Barangay Cotta, Lucena City.

Kinilala ni Police Colonel Romulo A Albacea, Provincial Director, Quezon Police Provincial Office, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Atanes,” 21 taong gulang, at “Lester,” 38 taong gulang, kapwa residente ng Purok Matahimik Isla, Barangay Cotta, Lucena City.

Sa isinagawang buy-bust operation, matagumpay na nakabili ang poseur-buyer ng isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek. Sa isinagawang paghahalughog, nakumpiska rin ang buy-bust money, mga karagdagang plastic sachet, at iba pang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Sa kabuuan, nakumpiska ang humigit-kumulang 53 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na aabot sa P1,081,200 at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Patuloy ang Quezon Police Provincial Office sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga. Ang tagumpay ng operasyong ito ay bunga ng pagtutulungan ng ating kapulisan at ng komunidad. Hindi kami titigil sa pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat mamamayan ng Quezon,” pahayag ni PCol Albacea.

Source: Quezon Police Provincial Office -Public Information Office

Leave a Reply