Naisampa na ang kasong Murder sa dalawang sumukong pulis na sangkot sa pamamaril kay Police Major Roland Arlond Suarez Moralde matapos nagpositibo ang mga ito sa paraffin test sa RFU Crime Laboratory Maguindanao del Norte noong ika-3 ng Mayo 2024.
Halos isang linggo na ang nakalipas matapos idineklarang patay ang kinilalang pulis na si Police Major Moralde matapos pagbabarilin ng limang suspek na kinabibilangan ng tatlong sibilyan at dalawang pulis sa Barangay Poblacion 2 Public Market, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Christopher A Cabugwang, Hepe ng Parang MPS, makalipas ang isang araw matapos ang krimen kusang nagtungo at sumuko sa istasyon ang dalawang pulis na kinilalang sina alyas “Jery” at alyas “Jepoy” kasama ang kani-kanilang issued firearms.
Dumaan sa iba’t ibang proseso ng imbestigasyon ang mga sumukong suspek at doon nga nagpostibo ang mga ito sa isinagawang paraffin test na naging dahilan upang sampahan ng kasong Murder ang naturang mga suspek.
Ang kasong naisampang Murder ay kasalukuyang nasa Prosecutor’s office, Cotabato City, Maguindanao del Norte para sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kaso.
Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga kapulisan ng Parang MPS upang tuluyan ng mapasakamay ng batas ang iba pang suspek na sangkot sa pamamaril.