2 mag-asawa, pinag-isa sa libreng kasalang bayan ng Masbate 1st PMFC at LGU Milagros

0
202
Screenshot

Dalawang magkapareha mula sa Barangay Tagbon, Masbate ang opisyal na pinagbigkis sa harap ng altar matapos silang mapabilang sa isinagawang Libreng Kasalang-Bayan na pinangunahan ng Masbate 1st Provincial Mobile Force Company, R-PSB Team Tagbon noong Mayo 17, 2026 sa Milagros Church, Brgy. Poblacion, Milagros, Masbate.

Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit ng Milagros bilang bahagi ng patuloy na programang pangkomunidad na naglalayong palakasin ang pundasyon ng pamilya at itaguyod ang kapakanan ng mamamayan.

Pinangunahan ang nasabing gawain sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni PLtCol Dennis B Balla, Officer-In-Charge ng Masbate 1st PMFC, katuwang si Hon. Natividad Isabel R. Magbalon, Municipal Mayor ng Milagros, na parehong nagpahayag ng suporta sa mga programang nagpapatibay sa institusyon ng pamilya bilang pangunahing pundasyon ng komunidad.

Ayon sa mga bagong kasal, malaking biyaya at tulong ang naturang programa dahil nabigyan sila ng pagkakataong gawing legal at pormal ang kanilang pagsasama nang hindi gumagastos ng malaki.

Samantala, binigyang-diin ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director, PRO 5, na ang ganitong uri ng programa ay patunay na hindi lamang nakatuon ang kapulisan sa pagpapatupad ng batas at pagsugpo sa kriminalidad kundi maging sa pagsusulong ng mga programang may positibong epekto sa komunidad.

“Ang pagpapatatag ng pamilya ay mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng mapayapa at maayos na pamayanan. Sa ilalim ng PNP Focused Agenda, partikular na sa aspeto ng Community Support, patuloy nating isinusulong ang mga programang nakatuon hindi lamang sa peace and order, kundi maging sa kapakanan at pagkakaisa ng buong komunidad. Ang Kasalang Bayan ay isang makabuluhang hakbang upang mabigyan ng legalidad at mas matibay na pundasyon ang pagsasama ng ating mga kababayan,” ani PBGen Miranda.

Leave a Reply