2 Lalaking posibleng biktima ng Human Trafficking, nasagip sa paliparan sa Bongao

0
890

Dalawang lalaking hinihinalang biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga awtoridad sa isinagawang profiling at beripikasyon ng mga pasahero na dumating sa Sanga-Sanga Airport, Bongao, Tawi-Tawi nitong ika-17 ng Setyembre 2025.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Tawi-Tawi Maritime Police Station (MARPSTA) sa pamumuno ni PMaj Alrashid H Tulawie, katuwang ang 1st Special Operations Unit at iba pang national at local na ahensya ng gobyerno.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant ukol sa mga indibidwal na papunta sa Sabah sa pamamagitan ng backdoor at sakay ng Philippine Airlines Flight PR 2485 mula sa Zamboanga City.

Dakong 10:14 ng umaga, habang isinasagawa ang beripikasyon sa mga pasahero, napansin ng mga operatiba ang dalawang lalaking may kahina-hinalang kilos at kadudadudang sagot sa mga tanong ng mga awtoridad na maaring indikasyon na sila ay biktima ng trafficking in person. Agad silang inanyayahan sa himpilan ng 1st  SOU para sa mas malalim na panayam at imbestigasyon.

Kinumpirma sa isinagawang imbestigasyon ng Local Committee Against Trafficking and Violence Against Women and Children, Bongao, Tawi-Tawi na ang dalawang lalaki ay walang kaukulang dokumento at planong lumabas ng bansa patungong Sabah sa pamamagitan ng iligal na ruta.

Ayon sa kanila, sila ay pinangakuan ng trabaho bilang customer service representative sa Thailand ng isang nagngangalang “Rodelyn Punzalan,” isang Overseas Filipino Worker na kasalukuyang nasa Thailand. Dahil sa kawalan ng legal na papeles, inatasan umano sila ng naturang recruiter na dumaan sa backchannel sa Tawi-Tawi.

Matapos ang imbestigasyon, itinurn-over ang dalawang biktima sa Ministry of Social Services and Development Office sa Bongao para sa counselling, stress debriefing, at karampatang disposisyon.

Panulat ni Pat Jeanno Jay T Santos