Nasabat ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Police Station 2, Cebu City Police Office ang mahigit Php1 Milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa dalawang tulak sa isang buy-bust operation sa Urgello Street, Barangay Sambag 1, Cebu City, noong ika-29 ng Disyembre 2025 bandang 9:00 ng gabi.
Kinilala ni Police Major Timothy Jim Romanillos, Acting Station Commander ng nasabing istasyon, ang suspek na sina alyas “Enting”, 33-anyos, at ang kasamahan nito na si alyas “Winston”, 24-anyos.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 8 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 150 gramo at isang red pouch na ginamit bilang lalagyan ng ilegal na droga.

Tinatayang aabot sa Php1,020,000 ang halaga ng nasamsam na shabu batay sa Standard Drug Price.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patunay ang matagumpay na operasyong ito sa patuloy na kampanya ng mga kapulisan laban sa ilegal na droga para sa kapayapaan at kaayusan ng komunidad.

