Arestado ang dalawang drug personality matapos ang matagumpay na anti-illegal drug operation na isinagawa ng mga awtoridad sa Malinao, Albay, noong Hulyo 8, 2026.
Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “Nomer” at “Criselda,” na kapwa residente ng nasabing bayan.
Bandang alas-12:35 ng madaling-araw nang isagawa ang operasyon sa pangunguna ng Provincial Intelligence Unit bilang lead unit, katuwang ang Regional Police Drug Enforcement Unit 5 (RPDEU 5), Malinao Municipal Police Station, at PDEA Albay Provincial Office, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Regional Office V.
Habang nagsasagawa ng casing at surveillance ang mga operatiba, tinangka umanong tumakas ang mga suspek gamit ang kanilang sasakyan. Nauwi ito sa isang vehicular accident matapos nilang mabangga ang sasakyan ng mga awtoridad.
Sa gitna ng insidente, itinapon umano ng mga suspek ang ilang drug paraphernalia sa damuhang bahagi ng lugar sa pagtatangkang maitago ang mga ito.
Matapos maaresto, isinailalim sa body search ang mga suspek sa presensya ng mga mandatory witnesses. Dito narekober ang 14 na malalaking heat-sealed transparent plastic sachet at isang medium-sized heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 72.5 gramo at tinatayang Standard Drug Price na Php493,000.00.
Matapos ang operasyon, dinala ang dalawang suspek sa Ziga Memorial District Hospital para sa medical examination bago ilipat sa kustodiya ng Malinao Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon at ang dedikasyon ng mga operatibang nanguna sa naturang anti-illegal drug operation alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos



