Tinatayang 1,503 wanted persons ang matagumpay na naaresto ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa buong buwan ng Oktubre 2026, na siyang pinakamataas na bilang ng mga naitalang pag-aresto sa lahat ng Police Regional Offices (PROs) sa buong bansa sa nasabing buwan.
Sa kabuuang bilang, 1,262 ang kabilang sa kategoryang Other Wanted Persons (OWPs), habang 241 naman ang Most Wanted Persons (MWPs).
Bahagi ang mga pag-aresto sa pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni Chief PNP PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa pagpapatupad ng mga nakabinbing warrant of arrest laban sa mga wanted person sa buong bansa.
Sa talaan ng mga unit ng PRO3, nanguna ang Bulacan Police Provincial Office (PPO) na may 327 na naaresto, sinundan ng Pampanga PPO na may 270, Nueva Ecija PPO na may 247, Tarlac PPO na may 197, Bataan PPO na may 164, Zambales PPO na may 101, Angeles City Police Office (ACPO) na may 88, Aurora PPO na may 59, at Olongapo City Police Office (OCPO) na may 50 na naaresto.
Ayon kay PBGen Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO3, ipinakikita ng naturang tagumpay ang patuloy at walang humpay na pagpapatupad ng kanilang Own the Project (OTP) approach. Sa ilalim nito, binibigyan ng pangunahing responsibilidad ang bawat police commander na manguna sa mga operasyon sa kani-kanilang nasasakupan, gayundin ang pagsasagawa ng mas pinaigting na monitoring at pagtugis sa mga wanted person na nagtatago sa kanilang mga area of responsibility (AORs).
“The objective is not simply to produce higher arrest figures every month. The real objective is to reduce the number of wanted persons who remain at large and ensure that warrants issued by our courts are acted upon (Ang layunin ay hindi lamang upang makagawa ng mas mataas na bilang ng pag-aresto bawat buwan. Ang tunay na layunin ay bawasan ang bilang ng mga pinaghahanap na nananatiling nakalaya at matiyak na ang mga warrant na inisyu ng ating mga hukuman ay naaaksyunan),” giit pa ni PBGen Mendez.
Bilang pakikiisa sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” inatasan din ni PBGen Mendez ang lahat ng mga police commanders sa rehiyon na ipagpatuloy ang pagtugis sa lahat ng mga natitirang wanted person sa rehiyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at makamit ang kaayusan at kapayapaan ng buong rehiyon.
Source: https://www.facebook.com/share/p/17zHVju5Et/?mibextid=wwXIfr

