Matagumpay na nakibahagi ang mga tauhan ng 1502nd Maneuver Company ng RMFB 15 sa isinagawang Serbisyo Caravan sa Poblacion, Sabangan, Mountain Province noong ika-21 ng Mayo 2024.
Katuwang sa nasabing aktibidad ang mga tauhan ng Mountain Province Police Provincial Office, 1st at 2nd Mountain Province Provincial Mobile Force Company, Sabangan Municipal Police Station, Philippine Army at iba’t ibang mga stakeholders.

Tampok sa aktibidad ang konsultasyong pangmedikal, blood donation, dental extraction, at libreng gupit ng Pulis-Pukis Team sa mga residente at mga mag-aaral ng nasabing lugar.
Bukod pa rito, nagsagawa ng information drive at pamamahagi ng IEC materials ang mga grupo upang itaas ang kamalayan at hikayatin ang aktibong pakikilahok ng mga residente sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa loob ng komunidad.

Ayon kay Police Colonel Ruel D Tagel, Force Commander ng RMFB 15, ang aktibidad ay bahagi rin ng pagsuporta sa Binnadang Kordilyera Project sa ilalim ng Panag-aywan iti Kailyan Program ng RMFB15 na naglalayong maging tulay sa pagitan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng paghahatid ng mahahalagang serbisyo ng gobyerno sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders at partner agencies.