Batanes – Patuloy ang isinasagawang pagbabantay ng mga Yvatan Cops sa buong probinsya ng Batanes sa pagsalanta ng Bagyong Betty sa lalawigan.
Nakaantabay ang buong pwersa ng Batanes Police Provincial Office sa mga baybayin upang bantayan ang taas ng mga alon at nagtayo din sila ng mga Assistance Desk sa mga Evacuation Centers.
Maliban dito, nag-iikot din ang mga kapulisan sa iba’t ibang bayan upang tumulong sa mga mamamayan sa pagsasaayos ng kanilang mga tahanan bilang paghahanda sa bagyo.
Nagpaalala naman si Police Colonel Emil Tumibay, Provincial Director ng Batanes PPO, sa lahat ng Yvatan na maging alerto at handa ang mga ito anumang oras lalo na at nagtataglay ng malalakas na hangin at ulan ang Bagyong Betty.
“Ihanda po natin ang mga pangunahing pangangailangan. Nakikiusap din po kami na sumunod sa mga paalala at gabay ng mga awtoridad”, ani PCol Tumibay.
Samantala, patuloy pa din na nakaalerto ang buong hanay ng Valley Cops sa iba’t ibang sulok ng Lambak ng Cagayan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at mabilis na makaresponde sa oras na sila ay kailangan.
Source: Batanes Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes