Pasig City – Arestado ang isang indibidwal sa isinagawang manhunt operations ng mga alagad ng batas sa kasong paglabag sa RA 9165 sa 323 Bldg. C, Sorrento Oasis, Sorrento Oasis Road, Rosario, Pasig City nito lamang Sabado, Oktubre 8, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Narciso D Domingo, Director ng PNP Drug Enforcement Group, ang suspek na si Juden Francisco, 33, tubong Ozamis City, Misamis Occidental.
Ayon kay PBGen Domingo, bandang 9:00 ng gabi naaresto ang suspek ng pinagsanib pwersa ng Special Operations Unit NCR, PDEG SOU 4A, SOU7, PDEG SOU 10, PDEG IFLD, R2 Regional Special Operations Group/Regional Mobile Force Battalion/Regional Drug Enforcement Unit NCRPO, D2/District Drug Enforcement Unit Eastern Police District, Intelligence Service AFP, Intelligence Section Ozamis City Police Station, at PCP 7 Pasig City Police Station.
Ayon pa kay PBGen Domingo, naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong paglabag sa Sec. 5 Article II ng RA 9165 na walang kaukulang piyansa.
Dagdag pa ni PBGen Domingo, narekober sa nasabing suspek ang isang yunit ng STI caliber 45.
Samantala, naaresto din ang pitong indibidwal na sina Lyndon Dionson, 40; Kenneth Dionson, 40; Dindo Cochoco, 28; Ritzel Carballo, 39; at Bernardo Yator Corridor, 56, pawang mga tubong Ozamis City; Rodolfo Detalla, 54, tubong Zamboanga del Sur; at Virgilio Bacus, 37, tubong Misamis Occidental, sa kadahilanang itinatanggi nilang kasama nila sa loob ang suspek.
Ang Pambansang Pulisya ay hindi titigil sa mas pinaigting na kampanya laban sa mga wanted na indibidwal upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan ng lahat ng mamamayan sa bawat sulok ng bansa.