Kumpiyansang inihayag ng Police Regional Office 7 ang pagbaba ng insidente ng krimen sa Central Visayas sa pagdiriwang ng holy week.
Base sa inilathala na pahayag ng PRO 7, nasa 9.59% ang ibinaba ng krimen mula Abril 2 hanggang 8, 2023 kumpara noong nakaraang linggo, Marso 26 hanggang Abril 1, 2023.
Iniuugnay ang pagbaba ng krimen sa mga ipinatupad na ‘preventive measures’ ng lahat ng himpilan at yunit ng pulisya ng rehiyon sa panahon ng ‘Kuwaresma’.
Sinabi ni Police Brigadier General Anthony Aberin, PRO7 Regional Director, na pinaigting ng PRO7 ang mga hakbang sa seguridad kabilang na ang malawakang pamamahagi ng impormasyon, mga regular na paalala, at payo sa publiko na maging ligtas kapag bumibisita at dumadalo sa mga religious activities.
“We attribute this decline of crime occurrence to the very cooperative and responsive people of Central Visayas who worked with PRO 7 in the pursuit of having a safe, secured and solemn observance of the Holy Week. With our strong, strategic and consistent alliance with the community, peace and security shall prevail”, ani PBGen Aberin.
“Iniuugnay namin ang pagbaba ng krimen na ito sa napaka-cooperative at responsive na mamamayan ng Central Visayas na nakipagtulungan sa PRO 7 sa hangarin na magkaroon ng ligtas, matiwasay at taimtim na pagdaraos ng Semana Santa. Sa tibay, diskarte, at hindi nagbabago na pakikipag-ugnayan sa komunidad, mananaig ang kapayapaan at seguridad”, dagdag pa ni PBGen Aberin.
Bukod dito, kinilala niya ang mga katuwang na ahensya, stakeholder, at lahat ng unit ng PNP sa malapit na koordinasyon at pakikipagtulungan sa iba pang Law Enforcement Agency (LEA), mga lider ng simbahan, gayundin sa mga LGU, at Force Multipliers para sa suportang ipinaabot sa PRO7 sa lahat ng pagsisikap nito.