Nagsagawa ang mga tauhan ng Vinzons Municipal Police Station ng tatlong araw na lecture para sa mga mag-aaral ng Vinzons Pilot High School na ginanap sa Barangay I Poblacion, Vinzons, Camarines Norte noong ika-29 ng Enero 2025.
Layunin ng aktibidad na itaas ang kamalayan ng mga mag-aaral hinggil sa mga mahahalagang batas na nagpoprotekta sa mga mamamayan, pati na rin ang papel ng kabataan sa pagpapalaganap ng kapayapaan at kaligtasan sa kanilang komunidad.
Ibinahagi sa mga estudyante ang mga mahahalagang batas tulad ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”, mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at mga bata, RA 8353 o ang “Anti-Rape Law of 1997”, ang “Anti-Terrorism Act of 2020”, at ang Kabataan Kontra Droga at Terorismo Program.
Pinagtuunan ng pansin ang pagpapalawak ng kaalaman ng kabataan sa kanilang mga karapatan, mga legal na responsibilidad, at ang kahalagahan ng kanilang aktibong paglahok sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa kanilang mga komunidad.
Ito ay mahalagang hakbang upang mapalaganap ang kultura ng responsableng pagiging mamamayan at ang pagpapahalaga sa mga karapatan at obligasyon ng bawat isa. Pinapalakas din nito ang kamalayan ng mga kabataan sa kanilang papel bilang mga katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, hindi lamang sa kanilang sariling buhay, kundi pati na rin sa kanilang komunidad.
Source: Vinzons Mps Cnppo
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos