“Ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ay nagpapaabot ng taos-pusong pagkilala sa mga masisipag na miyembro ng Philippine National Police (PNP) na aktibong lumahok sa kasong ito. Ang kanilang walang pagod na pagsusumikap sa likod ng mga eksena ay nagbunga ng mahahalagang paunang resulta. Kinikilala rin namin ang matatag na pamumuno at estratehikong direksyon na ibinigay ni PGen Rommel Francisco D. Marbil, ang Hepe ng PNP, na ang mga desisyong may paninindigan at dedikasyon ay naging mahalagang bahagi sa pagsulong ng kasong ito,” ang pahayag ng VACC noong Abril 19, 2025.
“Inaasahan ng VACC ang ganap na paglutas ng kaso ni Anson Que, kabilang ang pagkakakilanlan at pag-usig sa lahat ng sangkot, lalo na ang utak ng krimen. Lubos naming pinahahalagahan ang pagpapanumbalik ng tiwala at kumpiyansa ng publiko sa ating mga tagapagpatupad ng batas, na siyang pundasyon ng ating sistemang pangkatarungan. Sa ngalan ng sambayanang Pilipino, taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong serbisyo bilang mga tagapangalaga ng katarungan,” saad pa ng VACC.
Noong Abril 18, 2025, naaresto na ang tatlong suspek na sangkot sa pag-kidnap at pagpatay sa Filipino-Chinese na negosyanteng si Anson Que (kilala rin bilang Anson Tan) at ng kanyang driver na si Armanie Pabillo at nasa kustodiya na ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG).
Ang mga suspek ay nahaharap sa dalawang kasong kidnapping for ransom with homicide, matapos ang inquest proceedings na isinagawa ng Department of Justice.