Matagumpay na naisagawa ang Unity Walk, Interfaith Rally, at Peace Covenant Signing bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa darating na halalan sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office noong Enero 28, 2025.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ni Police Colonel Ryan Bobby Paloma, Acting Provincial Director ng Maguindanao del Sur PPO, katuwang ang Philippine Army 601st Brigade, Bureau of Fire Protection, COMELEC Maguindanao del Sur Office, at Local Government Unit ng nasabing lalawigan.
Lumahok din ang iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang mga opisyal ng barangay, religious leaders, civil society organizations, at iba pang stakeholders na may adhikaing mapanatili ang malinis, maayos, at mapayapang eleksyon.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong itaguyod ang kapayapaan, pagkakaisa, at pagkakaunawaan sa pagitan ng iba’t ibang sektor ng lipunan bilang paghahanda para sa 2025 National at Local Elections at kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.
Sa pamamagitan ng sama-samang paninindigan para sa mapayapang halalan, inaasahang mas mapapalakas ang tiwala ng mamamayan sa demokratikong proseso at matitiyak ang isang maayos, patas, at walang karahasang eleksyon.
Ang Unity Walk ay sumisimbolo sa pagkakaisa ng lahat ng sektor para sa isang ligtas at mapayapang halalan, habang sa Interfaith Rally, ipinahayag ng mga lider ng iba’t ibang pananampalataya ang kanilang panawagan para sa pagkakaunawaan at pagkakasundo sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala.
Samantala, sa Peace Covenant Signing, ang mga kandidato at iba pang pangunahing personalidad ay lumagda bilang tanda ng kanilang pangako na igalang ang batas at panatilihin ang kapayapaan sa buong panahon ng halalan.