Tuluyan nang winakasan ang pakikibaka at kusang nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang miyembro ng Underground Mass Organization sa Barangay Pabanog, Paranas, Samar nito lamang Nobyembre 19, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Alex C Dang-Aoen, Force Commander ng 2nd Samar Provincial Mobile Force Company ang nagbalik-loob na si alyas “Duday”, 40 anyos, magsasaka na residente ng Brgy. Hubasan, Calbiga, Samar at miyembro ng Parag-uma ng SRC-SESAME.
Ang pagbabalik-loob ay resulta ng matagumpay na panawagan at pagsisikap ng mga tauhan ng 2nd Samar Provincial Mobile Force Company kasama ang Regional Intelligence Unit 8 at 802nd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8.
Samantala, nakatanggap naman ang nagbalik-loob ng agarang tulong pinansyal at grocery items mula sa mga kapulisan.
Ang nasabing surrenderee ay nasa kustodiya na ng 2nd Samar PMFC para sa facilitation ng kaniyang pagsasailalim sa programa ng ating gobyerno na Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Ang pagbabalik-loob ng dating miyembro ng UGMO ay representasyon na ang mga programa ng ating gobyerno sa pagwawakas ng insurhensiya at terorismo ay matagumpay na naipapatupad tungo sa pagkamit ng payapa at maunlad na Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian