Idinaos ang unang Flag Raising Ceremony sa ilalim ng bagong liderato ng hanay ng Pambansang Pulisya nitong Nobyembre 15, 2021. Ito ay pinangunahan ng bagong talagang Chief, PNP, PGen Dionardo B. Carlos. Dinaluhan naman ito nina Inspector General, Internal Affairs Service, Atty. Alfegar M. Triambulo; PNP Command Group; Directorial Staff; mga Director ng NSU at iba pang miyembro ng PNP.
Tampok din sa nasabing programa ang paggawad ng medalya sa mga pulis na may katangi-tanging nagawa. Ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan sina Pltcol Glen C. Gonzales, PLt Ashrock T. Almerol, PMSg Jerwin O. Rebusora, Pat Bryan B. Entrina at Pat Ryan L. Dorado. Ito ay bunsod ng matagumpay na buy-bust operation noong Oktubre 18, 2021 sa Gladiola St., Punta Verde Subdivision, Pulung Cacutud, Angeles City na nagresulta sa pagkakapatay ng apat (4) na drug suspects at pagkakasamsam sa 38-kilo ng shabu na may tinatayang halagang Php262,200,000.
Ginawaran din ng Medalya ng Kasanayan sina PMGen Rhodel O. Sermonia dahil sa magandang pamumuno sa Directorate for Police Operations at si PBGen Valeriano T. De Leon sa kanyang pamumuno sa Civil Security Group. Parte rin ng programa ang Turn-Over of Office ng bagong Acting Chief Directorial Staff (TACDS) at bagong Director ng Police Operations (TDO).
Ang panghuling parte ng programa ay ang talumpati ng bagong ama ng Pambansang Pulisya kung saan nagbigay siya ng kanyang mga direktiba na siyang tatahakin sa susunod na anim na buwan. Binigyang diin ng Chief, PNP ang paghahanda para sa payapa at maayos na 2022 National Elections. Sa kampanya naman kontra kriminalidad, itutuloy ang Enhanced Managing Police Operations; sa kampanya naman kontra iligal na droga ay itutuloy pa rin ang double barrel finale version 2022 kung saan bibigyan ng mas malaking atensiyon ang Barangay Development Program na iimplimenta ng Pulis sa Barangay sa pakikipagtulungan ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs) at force multipliers; at sa kampanya naman kontra insurhensya, palalakasin ang area police commands o ang limang Directorate for Internal Police Operations. Itutuloy din ang Intensified Cleanliness Policy, at ang Regular at ang Fiscal Transparency and Accountability ay para naman sa financial transparency ng PNP. At ang panghuli, ang Body Mass Index (BMI) kung saan sinabi ng Chief, PNP na responsibilidad ng bawat pulis ang siguruhing malusog at kaaya-aya ang kanilang BMI.
###
Panulat ni: Police Corporal Alona Faith L Edas