San Fernando City, La Union – Pinangunahan ng Hepe ng Pambansang Pulisya na si Police General Rodolfo Santos Azurin, Jr ang Turnover of Command Ceremony sa bagong pamunuan ng Police Regional Office 1 na ginanap sa Camp BGen M Florendo, Parian, City of San Fernando, La Union nito lamang Biyernes, ika-12 ng Agosto 2022.
Ang bagong itinalagang Regional Director ng PRO 1 ay si PBGen Belli B Tamayo na papalit kay PBGen Westrimundo D Obinque na nanungkulan bilang Regional Director ng PRO 1 ng limang buwan.
Bahagi ng seremonya ang pagturnover ng office symbol, office property, at equipment inventory book na pinangasiwaan ni PNP Chief, PGen Azurin Jr.
Pinuri ni PGen Azurin Jr ang ipinamalas ni PBGen Obinque na dedikasyon sa pagseserbisyo at malaking kontribusyon sa Rehiyon Uno lalo na nung nakaraang halalan at naging mapayapa ang probinsya ng Pangasinan sa kauna-unahang pagkakataon.
Kumpiyansa naman si PGen Azurin Jr sa bagong RD ng PRO1 sapagkat siya ay galing na sa Rehiyon Uno at kabisado na ang bawat sulok nito at mas magiging magaan at maayos ang trabaho ni PBGen Tamayo.
Si PBGen Obinque naman ay itatalaga bilang Deputy Director ng Directorate of Comptrollership sa National Headquarters sa Camp Crame.
###
Panulat ni PSSg Carmela G Danguecan /RPCADU1