Nakatakdang gaganapin bukas ng umaga ang Turnover of Command Ceremony para sa bagong Chief ng Philippine National Police (PNP) na si Police Major General Nicolas D Torre III sa Multi-Purpose Center, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Iyan ay kasunod ng pag-anunsyo ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa pagpili ni President Ferdinand R. Marcos Jr. kay PMGen Torre bilang kahalili ni outgoing Chief, PNP, Police General Rommel Francisco D Marbil noong Huwebes, Mayo 29, 2025.
Si PMGen Torre ay kasalukuyang Director ng Criminal Investigation and Detection Group at miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Tagapagpatupad Class of 1993. Siya ay nanilbihan din bilang Director ng Quezon City Police District (QCPD) at Regional Director ng Police Regional Police Office 11 kung saan matagumpay niyang naaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Pastor Apollo Quiboloy matapos ang 16-day extensive police operation.
Bukod pa riyan, pinangunahan din niya ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang matagumpay na pagturnover nito sa International Criminal Court (ICC) sa Hague, Netherlands sa kadahilanan ng mga kasong may kaugnayan sa crime against humanity alinsunod sa pagpapatupad nito ng drug war sa bansa.
Si PMGen Torre ang ika-31st Chief ng PNP at ikaapat sa ilalim ng administrasyon ni President Marcos.
Samantala, nauna ng nagpahayag ang Pangulo ng kaniyang direktiba para sa incoming PNP Chief, aniya panatilihin lamang ang kasalukuyang mga hakbang at programa ng organisasyon upang mas mapatupad pa ng maayos ang kapayapaan at kaayusan, at ang pagbaba ng krimen sa buong bansa.
Sa kabilang banda, nanawagan naman si outgoing PNP Chief, PGen Marbil sa mahigit 200,000 PNP personnel na manindigan at magkaisa sa pagbigay ng buong suporta kay PMGen Torre at sa pamumuno nito.
“I am confident Maj. Gen. Torre will lead the PNP with integrity, vision, and commitment. I call on every officer and personnel to give him the same support and cooperation you’ve extended to me,” saad pa niya kasunod ng pagpapasalamat kay President Marcos at sa sambayanang Pilipino sa pagbibigay sa kaniya ng oportunidad na magserbisyo para sa bayan.