“Dapat na gawin upang hindi panghinaan ng loob”
Magandang araw po sa inyong lahat, purihin ang Panginoong Diyos sa Kanyang walang-humpay na pag-ibig at pag-iingat sa ating lahat. Nawa ay nasa mabuti kayong kalagayan habang binabasa niyo po ang aking kolum.
May mga pagkakataon sa ating buhay na napapagod tayo at parang gusto na nating sumuko. May mga pagkakataon na sa sobrang pagod ng ating katawan at pag-iisip ay hinihiling natin na magkaroon tayo ng break o pahinga. Nang pumutok ang Covid-19 sa buong mundo noong nakaraang taon, hanggang ngayon ang mga frontliners natin ay walang tigil sa paglilingkod. Gayundin ang ating gobyerno ay walang tigil sa paggawa ng mga programa para sa ikabubuti ng ating mamamayan.
Kapag napapagod na tayo, ano apat na dapat gawin?
1. Ipagtapat sa Diyos ang tunay na nararamdaman.
Ayos lang na sabihin natin sa Diyos ang ating nararamdaman. Kung ikaw ay napapagod, lubhang nag-aalala o nababagabag dahil sa pangagailangan o problemang pinagdadaanan. Ayon sa “Bagong Tipan” 1 Pedro 5:7:
“Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”
Kung ikaw ay nabibigatan, alalahanin natin na nariyan ang Panginoong Diyos na nagmamalasakit sa atin. Handang tumulong sa atin sa lahat ng oras.
– Alam Niya ang ating nararamdaman.
– Alam Niya ang ating pangangailangan.
– Handa Siyang makinig sa atin anumang oras.
2. Magpakumbabang lumapit sa Diyos upang humingi ng lakas.
Ang problemang emosyonal at talagang nakakapagod. At kapag nararanasan ang ganitong sitwasyon ay may pagkakataong humanap ng mabilisang solusyon o lumapit sa ibang tao upang magkaroon ng lakas ng loob.
Ayon sa 1 Cronica 16:11, “Magtiwala kayo sa PANGINOON, at sa kanyang kalakasan. Palagi kayong dumulog sa kanya.” (ASND)
Kailangan natin ang kalakasan mula sa Panginoong Diyos. Sa mundong ito na walang katiyakan at hindi natin alam ang mangyayari sa ating buhay. Ang pagdulog sa Kanya ay magbibigay sa atin ng kasagutan at kalakasan.
3. Pasalamatan ang Diyos, anuman ang sitwasyon (mabuti o masama) sa buhay natin.
Ayon sa sulat ni Apostol Pablo sa 1 Tesalonica 5:18, ..”at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.”
Anuman ang ating sitwasyon sa kasalukuyan. Marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat sa Panginoong Diyos. Bagama`t laganap ang kahirapan sa kasalukuyan. Salamat sa Diyos at tayo ay buhay pa, mayroong pagkain sa hapag kainan, mayroong trabaho, kasama pa ang pamilya at nasa serbisyo at patuloy na naglilingkod sa bayan.
Salamat Panginoong Diyos sa lahat ng bagay na ginawa Mo sa aming buhay.
4. Laging ituon ang pansin sa Panginoong Diyos.
May mga pagkakataon na maka-agaw ng ating atensiyon at mawala tayo sa pokus dahil sa paninira o tsismis ng ibang tao. Nasasayang lang ang ating panahon kung ituttuon natin ang pansin sa mga taong gumagawa ng masama sa atin. May mga taong hindi masaya kapag umaangat at gumaganda ang estado sa buhay. May mga sitwasyon din naman na sa daming pagsubok ay pinanghihinaan ng loob.
Mainam po na ituon ang ating pansin sa ating Panginoong Diyos na Siyang nangako sa atin at magbigay ng lakas sa atin na harapin ang buhay.
“Ako’y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba.Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.” Isaias 41:10 (MBB)
Kung tila napapagod at susuko na sa laban ng buhay. Alalahanin natin ang Diyos na nagmamahal sa atin. Sa anumang oras at pagkakataon ay anding tumulong sa atin at nangako sa atin na hindi Niya tayo iiwan at pababayaan.
God Bless Public Safety Officers Advance Course 2021-07!
-PCPT FULGENCIO M CAÑON, JR