Sa bisa ng Warrant of Arrest, naaresto ang Top 9 Most Wanted ng Zamboanga del Norte noong Nobyembre 9, 2021.
Matapos magtago ng mahigit 14-taon, nadakip ang suspek na si Warren R. Baje, 28 anyos, at residente ng Sitio Hamburger, Barangay Gata sa San Agustin, Surigao del Sur.
Si Baje ay may nakabinbing Warrant of Arrest para sa kasong Rape na inisyu ng Regional Trial Court 9, Branch 7 sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Batay sa imbestigasyon, pinagsamantalahan ng suspek ang 2 taong gulang na bata sa bayan ng Polanco sa Zamboanga del Norte noong 2006 kung saan siya dating naninirahan.
Matapos gawin ang krimen, agad nagtago ang suspek sa Surigao kung saan nakatira ang kanyang mga kamag-anak.
Nadakip si Baje matapos ang insidente ng carnapping noong October 19, 2021 sa Surigao del Sur na kinasasangkutan ng kanyang tiyuhin.
Ibinunyag ng isang confidential informant na ang suspek sa carnapping ay may pamangkin na may standing warrant sa Zamboanga del Norte.
Agad kinumpirma at nakipag-ugnayan ang San Agustin Municipal Police Station sa Zamboanga Police upang maaresto ang suspek.
#####
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche