Timbog ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang isa sa mga Top Most Wanted Persons sa District at Station Level, sa loob mismo ng isang kilalang fast food chain sa Makati City, bandang 9:00 ng gabi nito lamang Biyernes, Mayo 2, 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Joseph R. Arguelles, District Director ng Southern Police District, ang suspek na si alyas “Katong,” 25-anyos, miyembro umano ng Sputnik Gang, at nakatala bilang Rank No. 8 sa District-Level Top Most Wanted Persons ng SPD at Rank No. 6 sa Station-Level list ng Taguig City Police Station para sa unang quarter ng taong ito.
Ang matagumpay na pagkakadakip sa suspek ay bunga ng isinagawang cyber entrapment operation ng Cyber Patroller and Tracker Team (CPTT) ng SPD na kilala sa paggamit ng digital surveillance, Open-Source Intelligence (OSINT), at social media infiltration upang matukoy at masubaybayan ang mga pinaghahanap ng batas.
Gamit ang isang pekeng digital identity, nakipag-ugnayan ang isang operatiba sa suspek at nakuha ang kanyang tiwala hanggang sa pumayag itong makipagkita sa isang fast food outlet sa loob ng Shell Station, EDSA corner Buendia Avenue, Barangay Urdaneta, Makati City.
Sa tulong ng District Special Operations Unit (DSOU-SPD), District Intelligence Division (DID-SPD), Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB-SPD), at Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Taguig CPS, agad na isinakatuparan ang pag-aresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Frustrated Murder na may itinakdang piyansang Php200,000.
“Ang operasyong ito ay patunay ng kahusayan ng makabagong pamamaraan ng pulisya—kung saan ang digital tracking ay sinabayan ng taktikang may disiplina at kahusayan. Binabati ko ang ating Cyber Patroller and Tracker Team, DSOU, DID, DMFB, at WSS Taguig sa isang napakahusay na pagkakaaresto. Ang SPD ay mananatiling handang gampanan ang tungkulin nito para sugpuin ang krimen at pangalagaan ang kapayapaan—sa kahit anong larangan, pisikal man o digital,” saad ni PBGen Arguelles.
Source: SPD PIO
Panulat ni PMSg Gargantos, RM