Padada, Davao del Sur – Arestado sa isinagawang buy-bust operation ng Padada Municipal Police Station ang Top 6 High Value Individual (HIV) ng Regional Level at kasama nito sa Purok 7, Brgy. Almendras District, Padada, Davao del Sur, nito lamang Linggo, Hunyo 19, 2022.
Kinilala ni PLt Ronald Ditan, Office-in-Charge ng Padada Municipal Police Station ang suspek na si Teddie Teh Atabelo, 37, residente ng Purok 3b, Balindog, Kidapawan City na tinaguriang Top 6 HIV; at kasamahan nitong si Dickiam Lim Buenaflor, 25, na residente naman ng Purok Kalumpang, Brgy. San Miguel, Digos City.
Ayon kay PLt Ditan, nahuli ang mga suspek sa pinagsamang pwersa ng Padada MPS Drug Enforcement Unit at Davao del Sur Police Provincial Office Drug Enforcement Unit katuwang ang Regional Mobile Force Battalion 1104th.
Ayon pa kay PLt Ditan, nakuha mula sa mga suspek ang 3 pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 2.2 gramo na may street market value na Php14,960 kasama ang isang motorsiklo, dalawang cellphone, isang coin purse, isang lighter, apat na IDs, isang sling bag at marked money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, hindi naman titigil ang Police Regional Office 11 sa pangunguna ni PBGen Benjamin Silo Jr., Regional Director sa kampanya nito kontra ilegal na droga upang tuluyan ng maging drug-free ang rehiyon at hulihin ang lahat ng High Value Individual.
Source: Padada MPS
###
Panulat ni Patrolman Preal Cris Edosma