Naaresto ng mga operatiba ng Baliok Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang dalawang drug personalities sa isinagawang buy-bust operation noong Hunyo 6, 2025 ganap na 5:43 ng hapon sa Block 127, Lot 31, Deca Homes Talomo, Barangay Bago Gallera, Davao City.
Ayon kay Police Major Harold S Untalaan, Station Commander ng Baliok Police Station 17, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Sho,” 35 anyos na itinuturing na Top 3 City Drug Personality, at si alyas “Jonathan”, 24 anyos, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Sa naturang operasyon, nasamsam mula sa mga suspek ang tinatayang 26.57 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php180,676, kasama ang ilang drug paraphernalia at marked money.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng tuloy-tuloy at mas pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga—isang malawakang adbokasiyang naglalayong hindi lamang sugpuin ang kriminalidad, kundi protektahan ang kabataan, pamilya, at buong komunidad mula sa mapanirang epekto ng ipinagbabawal na gamot. Sa pamamagitan ng mga operasyong tulad nito, ipinapakita ng kapulisan ang kanilang matibay na paninindigan sa pagpapanatili ng katahimikan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Panulat ni Pat Shairra Rose A Aquino