Davao City – Arestado ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng PNP at PDEA sa Purok 1 , Brgy 22-C Davao City, noong Hulyo 6, 2023.
Kinilala ni PLtCol Ronald Lao, Station Commander ng Sta. Ana Police Station, ang suspek na si alyas “Junie”, 44, residente ng Brgy. Manay, Panabo City, Davao Del Norte na tinaguriang Top 3 High Value Individual sa City level.
Ayon kay PLtCol Lao, naaresto ang suspek matapos mahuli sa akto ng pagbebenta ng ilegal na droga sa nagpanggap na poseur buyer sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsamang tauhan ng Sta. Ana PS katuwang ang PDEA XI
Dagdag pa ni PLtCol Lao, nakuha mula sa suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 4.8 gramo na may street market value na Php92,800 at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng nasabing istasyon upang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang pagkakadakip sa suspek ay malaking kabawasan sa hanay ng mga nagbebenta ng ilegal na droga sa lugar. Ito ay naging matagumpay dahil sa tulong ng mga mamamayan sa kapulisan na magdadala sa kaayusan at kaunlaran ng bansa.
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara