Timbog ng mga otoridad ang Top 2 City High Value Individual sa Pepsi Cola Village, Barangay Dumoy, Talomo District, Davao City nito lamang ika-21 ng Mayo 2024.
Kinilala ni Police Major Jonnel L Bonguyan, Station Commander ng Baliok Police Station, ang suspek na si alyas “Macky”, 35 anyos at residente ng No. 28 Mountain Dew Street, Barangay Dumoy, Talomo District, Davao City,
Ayon pa kay PMaj Bonguyan, naaresto ang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Baliok PS at sa pakikipagtulungan sa Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 11 kung saan ay narekober mula sa suspek ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 43.46 gramo na may Standard Drug Price na Php294,848, isang .45 Caliber Colt Pistol at magazine na may pitong bala, itim na sling bag, pouch, digital na timbangan, driver’s license at buy-bust money.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ang pamahalaan at kapulisan ay nakatuon sa kampanya nito laban sa ilegal na droga. Ang tagumpay ng mga pagsisikap na ito ay lubos na nakadepende sa pakikipagtulungan at suporta ng komunidad, na may iisang hangarin para sa isang mapayapang bansa.
Panulat ni Pat Shairra Rose A Aquino