Timbog ang Top 1 Provincial Most Wanted Person at Dawlah Islamiyah member na mastermind sa likod ng MSU-Marawi Bombing noong Disyembre 3, 2023 na nagresulta ng pagkamatay sa apat na indibidwal at 57 ang sugatan sa Barangay Maria Christina, Iligan City, Lanao del Norte nito lamang ika-16 ng Oktubre 2024.
Kinilala ni Police Colonel Robert S Daculan, Provincial Director ng Lanao del Sur Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Lapitos”, residente ng Barangay Lininding, Munai, Lanao Del Norte.
Naaresto ang suspek sa ikinasang Oplan Pagtugis ng Criminal Investigation and Detection Group – Lanao del Sur Provincial Field Unit katuwang ang 2nd Mechanized Infantry Brigade, Armor Division-Philippine Army, Lanao del Sur Provincial Intelligence Team, Regional Intelligence Unit 15, 1402nd Regional Mobile Force Battalion 14 at Marawi City Police Station sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 11479 o “Anti-Terrorism Act of 2020” na walang piyansa.
Patuloy naman ang Lanao del Sur PNP katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan na magsasagawa ng kanilang sinumpaang tungkulin na hulihin ang mga nagkasala sa batas upang makamit ang maayos at mapayapang Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora J Agbuya