Quezon City (December 21, 2021) – Ang pamunuan ng Philippine National Police sa Kampo Crame ay nagpadala ng Search and Rescue Teams at mga trak na may mga kargang relief goods sa pamamagitan ng simple ngunit makabuluhang send-off ceremony noong ika-21 ng Disyembre 2021 bandang alas sais ng hapon, na magiging tulong para sa mga nabiktima ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ang Search and Rescue Team ay binubuo ng walong (8) tauhan mula sa PNP Special Action Force, apat (4) na tauhan mula sa PRO 2 at limang (5) tauhan mula sa PRO 5. Maliban diyan, nagpadala din ang PNP ng apat (4) na trak na may kargang mga relief goods na naglalaman ng mga bigas, pagkain, hygiene kits at tubig. Isang (1) trak naman ang may kargang mga gulay.
Ang mga ipinadalang mga relief goods ay nagmula sa kabutihang loob ng mga kapulisan na nagmula sa iba’t-ibang opisina at rehiyon, gayundin sa mga PNP Stakeholders na walang sawang sumusuporta.
Pinangunahan ito ni PMGen Bartolome Bustamante, Director ng Directorate for Police Community Relations, kasama ang mga Command Group ng nasabing opisina at mga tauhan ng Police Community Affairs and Development Group. Binasbasan ni PCol Jaime Seriña, III ng PNP Chaplain Service ang mga kapulisan na ipapadala at mga sasakyan na babiyahe patungo sa iba’t-ibang probinsya ng Visayas at Mindanao upang ligtas itong makarating sa kanilang patutunguhan.
“Bilang mga show window ng PNP, iparating ninyo sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo ang mensahe ng pagmamahal ng ating Hepe ng Pamansang Pulisya at ng buong kapulisan”, saad ni PMGen Bustamante.
Hangad ng ating mga kapulisan na makatulong at maghatid ng nararapat na serbisyo sa ating mga kababayan na lubos na naapektuhan ng bagyong Odette at maipadama sa kanila na ang ating kapulisan ay maaģasahan sa ano mang oras at pagkakataon.
######
May puso at malasakit sa mamamayan ang mga kapulisan lagi slmt po