Maguindanao del Norte – Timbog ang isang lalaki matapos mahulihan ng ilegal na droga sa isinagawang pagresponde ng Kabuntalan Municipal Police Station mula sa tawag ng isang concerned citizen sa Brgy. Pedtad, Kabuntalan, Maguindanao del Norte nito lamang ika-15 ng Mayo 2023.
Ayon kay PBGen Allan Nobleza, Regional Director ng PRO BAR, bandang alas-2:25 ng hapon ng parehong petsa, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Kabuntalan MPS, ay nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ng Brgy. Montay, Datu Piang, Maguindanao Del Sur na nagsabing isang drug suspek ang tatawid na sa ilog gamit ang isang bangka patungo sa Brgy. Teritoryo ng Kabuntalan.
Agad namang tinungo ng Kabuntalan PNP ang naturang lugar upang beripikahin ang ulat, nang makitang papalapit na ang suspek ay agad nila itong pinahinto at nagsagawa ng interogasyon at plain view search na nagresulta sa pagkakakumpiska ng tatlong medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nakuha mula sa nahuling suspek ang isang small heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 12.5 grams na tinatayang nagkakahalaga ng Php81,600, at iba pang hinihinalang drug paraphernalia.
Kinilala ang naarestong suspek na si Sajid Emamprang Dasnan, 31, residente ng Brgy. Gang, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, na sinubukan pang manlaban ngunit hindi na ito nakapalag pa.
Dagdag pa nito, ang suspek ay subject din ng surveillance na nagsimula tatlong buwan ang nakakalipas matapos itong masangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Samantala, pinuri naman ni PBGen Nobleza ang mga operatiba para sa matagumpay na operasyong ito na nagpapakita ng hindi natitinag na pangako ng PRO BAR sa pagpuksa sa lahat ng uri ng aktibidad ng ilegal na droga sa rehiyon.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz