Boluntaryong nagbalik-loob ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group sa pamahalaan sa Barangay Pambujan, Northern Samar nitong Pebrero 27, 2024.
Ang kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan ay resulta ng patuloy na pakikipagnegosasyon ng 2nd Northern Samar Provincial Mobile Force Company, kasama ang 803rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8, 125 Special Action Company, 12 Special Action Battalion, PNP-SAF at Northern Samar Police Provincial Office-Provincial Intelligence Unit.
Isinuko rin ng mga miyembro ng CTG ang .357 revolver na may limang live ammunition, dalawang short magazines ng M16, dalawang CIGNUS handheld radio na may tatlong charger at mga bala.
Ang mga sumukong CTG ay nakatanggap ng agarang tulong na food packs mula sa kapulisan habang prinoproseso ang tulong mula sa pamahalaan na nakapaloob sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).
Ang pagbabalik-loob ng tatlong CTG ay representasyon na ang mga programa ng gobyerno sa pagwawakas ng insurhensiya at terorismo ay matagumpay na naipapatupad tungo sa pagkamit ng payapa at maunlad na Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Camberleigh D Flores