Polomolok, South Cotabato – Patay ang tatlong kabataan sa nangyaring pamamaril sa Polomolok, South Cotabato nito lamang Linggo, Mayo 15, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Neil Sally Wandingan ang mga biktima na sina Jade Abpit y Jamal, 16; Abdul Rahman Sumapal y Jeorfo, 17; at Nasser Diamalo y Maguisulan, 16 na parehong estudyante at residente ng Prk 1, Brgy. Sumbakil, Polomolok, South Cotabato.
Ayon kay PLtCol Wandingan, bandang 5:30 ng hapon ng makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang Polomolok MPS na may nangyaring pamamaril sa nasabing lugar na agad naman itong pinuntahan ng mga tauhan ng Polomolok MPS upang beripikahin ang nasabing ulat.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon na isinigawa ng Polomolok MPS, ang mga biktima ay ilegal na nag-aani ng bunga ng niyog sa loob ng coconut farm sa boundary ng Sitio Basak, Polonuling, Tupi, South Cotabato at Prk. 1, Brgy Sumbakil, Polomolok, South Cotabato, nang biglang sumulpot ang tatlong lalaki na may mahabang baril na inilagay sa loob ng sako at pinaputukan ang mga biktima na nagresulta sa agarang kamatayan ni Abdul Rahman y Sumapal Jeorfo at Nasser Diamalo y Maguisulan, habang si Jade Abpit y Jamal ay nagawa pang makatakbo hanggang sa compound ng Merabueno Farm kung saan siya ay naabutan ng mga suspek at doon na pinatay.
Ayon pa kay PLtCol Wandingan tumakas ang mga suspek gamit ang dalawang motorsiklo na XRM 125 na walang plaka at Kawasaki Bajaj na kulay blue at wala ding plaka.
“Lubos kaming nakikiramay sa pamilyang naulila at makatitiyak sila na isasagawa ang mas malalim na imbestigasyon. Sa komunidad, hinihingi namin ang inyong kooperasyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa amin ng impormasyon na hahantong sa posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin”, ani PLtCol Wandingan.
###
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal