Northern Samar – Tuluyan nang nagbalik-loob sa gobyerno ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga awtoridad sa Brgy. Imelda Mondragon, Northern Samar nitong ika-13 ng Abril 2023.
Kinilala ni Police Captain Solomon Agayso, Officer-In-Charge ng 803rd Maneuver Company, ang mga sumuko na sina alyas “Trish”, miyembro ng SQD1, RGU, EVPRC; alyas “Rey”, miyembro ng Yunit Militia; at alyas “Lanoy” na miyembro ng squad 1, FC2, SRC EMPORIUM, EVPRC.
Bitbit naman ni alyas “Lanoy” sa kanyang pagsuko ang isang homemade 7.62 caliber at pitong live ammunition.
Ang matagumpay na pagsuko ay resulta ng patuloy na pagsisikap at negosasyon ng mga operatiba ng 803rd Maneuver Company sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Eugene Rebadomia, Acting Force Commander, RMFB 8 kasama 125SAC 12SAB PNP-SAF at mga tauhan ng 43rd Infantry Battalion, PA.
Kasunod nito, bilang resulta ng negosasyon ay kusang-loob na humarap ang nasabing tatlong miyembro ng CTG sa 803rd Maneuver Company Headquarters at hinahanda na ngayon ng mga awtoridad ang mga benepisyong makukuha ng mga Former Rebel sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP at ng Local and Social Integration Program ng Northern Samar Provincial Government.
Patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad sa mga naging miyembro ng Teroristang Grupo na lumapit lamang sa kinauukulan upang kayo ay matulungan na magbalik-loob at matanggap ang magagandang programa ng gobyerno.