Sumuko na sa mga kapulisan ang pangunahing suspek sa naganap na pamamaril sa Barangay Mambulac, Silay City, Negros Occidental na ikinasawi ng dalawang (2) lalaki at ikinasugat ng anim (6) pa, bandang alas-7:00 ng umaga ngayong ika-12 ng Mayo 2025.
Kinilala ang suspek na si alias “Arn-Arn”, isang barangay chairman mula sa Barangay Lantad, Silay City.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mark Anthony D Darroca, Hepe ng Silay City Police Station (CCPS), agad silang rumesponde matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen.
Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na ang suspek ay sakay ng isang sasakyan at habang binabagtas ang kahabaan ng Barangay Mambulac patungong city proper, walang babalang pinaputukan ang mga biktima gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril.
Agad namang isinugod sa Teresita Lopez Jalandoni Hospital ang mga biktima. Dalawa (2) sa mga ito na pawang mga lalaki mula sa Barangay E. Lopez at Barangay Mambulac ay idineklarang dead on arrival ng attending physician. Patuloy namang ginagamot ang anim (6) pang biktima na nagtamo ng iba’t ibang sugat mula sa pamamaril.
Dahil sa mabilis na pagkilos ng mga tauhan ng Silay CCPS, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga ito laban sa suspek. Hindi nagtagal ay boluntaryong sumuko si alias “Arn-Arn” sa mga kapulisan.
Siya ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya para sa tamang dokumentasyon at pagsasampa ng karampatang kaso.
Sa harap ng insidenteng ito, muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang buong suporta sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad, lalo na ngayong National and Local Elections 2025, upang masigurong magiging ligtas at mapayapa ang pagboto ng bawat Pilipino.
Panulat ni Pat Justine Mae Jallores
Source: PIO NOCPPO Silay CCPS Police Report
Super Radyo DZBB 594khz