Arestado ang isang delivery rider na suspek sa pagnanakaw at panloloob sa isang bahay sa Barangay Manggahan, Rodriguez, Rizal nito lamang ika-10 ng Setyembre 2024.
Kinilala ni Police Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Dex”, residente ng Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Ayon sa imbestigasyon naging pamilyar umano sa suspek ang bahay ng biktimang si Alyas “Melody”, 42 taong gulang kung saan ay naging daan ito upang pasukin at isagawa ang pagnanakaw sa pamamagitan ng pag-akyat sa poste na nasa tabi ng bahay at nagawang makaakyat sa second floor nito.
Gayundin sa pagkakataong iyon ay agad na kinuha ng suspek ang nakita nitong wallet, ngunit dahil sa ingay ng suspek ay agad na nagising ang biktima. Sa puntong iyon ay sinuntok ng suspek ang biktima at pinagbantaan na huwag magsumbong sa otoridad.
Agad naman na tumakas ang suspek at nagpadausdos pababa ng bahay gamit pa rin ang posteng katabi nito.
Samantala, sa isinagawang follow-up operation ng Rodriguez PNP ay positibong itinuro ang suspek ng anak ng biktima na siyang witness sa panloloob matapos balikan ang naiwan nitong damit sa pinangyarihan ng krimen na nagresulta sa agarang pagkakadakip.
Nahaharap sa kasong Robbery ang suspek at kasalukuyang nakakulong sa Rodriguez Custodial Facility.
Ang mabilis na pagresponde ng mga kapulisan sa krimen ay mahalaga dahil nakakapagligtas ito ng buhay at ari-arian, at pinipigilan ang karagdagang pinsala o krimen. Sa pamamagitan ng agarang aksyon, nabibigyan ng proteksyon ang mga biktima at napapanagot ang mga salarin, na nagpapatibay sa tiwala ng publiko sa kapulisan.
Sa kabuuan, ang epektibong pagresponde ay nagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad, at nagpapakita ng dedikasyon ng kapulisan sa kanilang tungkuling protektahan ang mamamayan.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Patrolwoman Angelica Rica S Teng