Sariaya, Quezon – Naaresto ang isang suspek sa panghi-jack ng tinatayang Php1,526,000 na halaga ng gasolina at krudo , habang dalawang suspek pa ang pinaghahanap ng Sariaya PNP nito lamang Martes, Hunyo 15, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel William Angway, Chief of Police ng Sariaya Municipal Police Station, ang naarestong suspek na si Vincent Reyes, 31, residente ng Sitio Abandon, Brgy. Lual, Barrio Mauban, Quezon, habang ang dalawang pinaghahanap ay kinilala na sina Joey Quidor Ortiz, 36, residente ng Brgy. Balaybalay, Mauban, Quezon at Julie Gaito Tamayo, 37, residente ng Brgy. Gulang-Gulang, Lucena City.
Sa inisyal na ulat, bandang 4:15 ng umaga ng humingi ng tulong sa duty mobile patroller na sina Police Staff Sergeant Lowel Jess Zubia at Patrolman Genesis Vila, si Eman Dizon Molejon, 28, driver ng Crude oil/Gasoline tanker ng 4M Transport and Sale Corporation upang iulat ang paghi-jack sa Isuzu Rebuilt Tanker na may Plate No. na NBM 5519 na kargado ng 10,000 litro ng krudo at 10,000 litro ng unleaded gasoline na may tinatayang halaga na Php1,526,000.
Ayon pa kay PLtCol Angway, bandang 11:30 ng gabi ng Hunyo 14, 2022, papalabas na ang truck na minamaneho ng biktima mula sa Azora Depot (Azora Holdings Inc), Brgy Castañas, Sariaya, Quezon patungong Lucena City nang sumakay ang dalawa sa suspek at tinutukan ng baril habang ang isang suspek ay sa likurang bahagi ng truck pumuwesto.
Dagdag pa ni PLtCol Angway, ibinaba ang driver ng naturang sasakyan na nakatali ang mga kamay bago tumakas ang mga suspek patungo ng Lucena City.
Nagkaroon ng habulan at inabutan ang mga suspek sa junction ng Eco Tourism Road, Brgy. Manggalang Bantilan, Sariaya, Quezon subalit nakatakas ang dalawang suspek na tumalon at tumakbo sa madilim at madamong lugar.
Patuloy na ang ginagawang manhunt operation at masusing imbestigasyon ng Sariaya MPS para madakip ang iba pang suspek.
###
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Joe Peter Cabugon