Naaresto ng mga tauhan ng Pigcawayan Municipal Police Station ang isang suspek sa kasong carnapping at nabawi rin agad ang ninakaw na motorsiklo sa isinagawang operasyon sa Poblacion 3, Pigcawayan, Cotabato dakong 2:50 ng hapon noong Mayo 15, 2025.
Nabatid na ang biktima ay ini-report ang pagkawala ng kanyang motorsiklo na iniwan sa harap ng isang tindahan upang dumalaw sa bahay ng kaibigan. Pagbalik nito ay nakita ang suspek na sumakay sa kanyang motorsiklo at mabilis na tumakas.
Agad nagsagawa ng hot-pursuit operation ang mga tauhan ng Pigcawayan MPS sa pangunguna ni Police Chief Master Sargeant Erol John Yano.
Sa tulong ng mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at mga residente ng Barangay Malagakit, naharang ang suspek sa isang outpost at naaresto.
kinilala ang suspek na si alyas “Ruben”, 49-anyos, residente ng Midpapan 1, Pigcawayan at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Act.
Muling pinatunayan ng Pigcawayan PNP ang kahalagahan ng mabilis na aksyon, epektibong operasyon, at aktibong partisipasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa lalawigan.