Cotabato City – Pinangunahan ng Ama ng Pambansang Pulisya na si PGen Benjamin Acorda Jr. ang Stakeholders’ Summit for Unity and Peace na ginanap sa Bangsamoro Government Center, Cotabato City nito lamang ika-11 ng Mayo 2023.
Mainit naman itong sinalubong ng mga stakeholders ng Bangsamoro Autonomous Region sa pangunguna ni Senior Minister Abunawas “Von Al-Haq” Maslamama bilang kinatawan ni Chief Minister Ahod B Ebrahim.
Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng matataas na opisyal mula sa Philippine Army, Philippine National Police, gobernador at mayor mula sa iba’t ibang probinsya at munisipalidad na nasasakupan ng Bangsamoro Autonomous Region.
Nagkaroon ng “Open Forum” na kung saan ay nagpahayag ng kanilang suhestiyon upang mapaigting at mapaganda ang kanilang administrasyon at sama-samang ayusin ang problemang kinakaharap para sa mas maayos, maunlad at mapayapang Bangsamoro Autonomous Region.
Mariin namang dininig ang kanilang suhestiyon at ipinangakong mabibigyang solusyon ang kanilang mga gampanin sa kanilang sari-sariling sinasakupan.
Isa sa layunin ng nasabing pagpupulong ay ang usapin ng “Pangkapayapaan at Pagkakaisa” sa Rehiyon ng Bangsamoro, sapagkat ito ang pangunahing kinakaharap ng lugar mula noon pa man sa kabila ng presensya ng mga teroristang grupo sa lugar.
At dahil sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng Bangsamoro Task Force on Ending Local Armed Conflict ay padami ng padami ang nagbabalik-loob sa pamahalaan mula sa mga teroristang grupo para makapagbagong buhay at makasama ng matiwasay ang kanilang mga mahal sa buhay.
Nagkaroon din ng diskusyon sa pagbaba ng kriminalidad sa lugar mula noong nakaraang taon at kasalukuyan.
Dagdag pa, ipinahayag na malaking epekto ang magandang ugnayan ng pulisya at komunidad para mabawasan ang kriminalidad na nangyayari sa lugar.
Nagpahayag naman ng mensahe sina Hon. Mamintal Adiong, Governor, Lanao del Sur; Hon. Bai Mariam Sangki Mangudadatu, Governor, Maguindanao del Sur; Hon. Abdulraof A Macacua, Governor, Maguindanao del Norte; Hon. Hadjiman S Saliman, Governor, Basilan; Hon. Abdusakur Mahail tan, Governor, Sulu; Hon. Yshmael Ismael Sali, Governor, Tawi-Tawi; Hon. Bruce Matabalao, Mayor, Cotabato City; at MGen Alex Santos Rillera, Commander, 6 Infantry Division, Philippine Army.
Ang matagumpay na Stakeholders’ Summit for Unity and Peace ay isa sa makakapagpabago sa mga hakbangin para sa mas mapayapa at sa nagkakaisang Bangsamoro Autonomous Region.
Panulat ni Pat Mark Vincent Valencia