Panay (January 4, 2022) – Isang squad leader ng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa katimugang bahagi ng Panay sa Region 6 ang sumuko sa Tubungan Municipal Police Station, Iloilo noong ika-4 ng Enero, 2022 dahil sa hirap ng pamumuhay sa bundok at nakaka-trauma na mga karanasan sa isinagawang Military Operation sa kanilang hideout nito lamang Disyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay PCol Gilbert Gorero, Provincial Director ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), nitong Miyerkules ika-5 ng Enero, kinilala ang sumuko na si alyas “Banban”/”Tatang” 36 anyos mula sa Barangay Bikil, Tubungan, Iloilo, at dating Team Leader ng Squad 1 ng Mt. Napulak Command, Southern Front Committee ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP -NPA).
Saklaw ng mga lugar ng operasyon ng nasabing squad ang mga bahagi ng Miagao, San Joaquin, at Igbaras sa mga probinsya ng Iloilo at Antique at isa si Tatang sa mga miyembro ng Communist Terrorist Group na naging subject ng military operation sa Miagao, Iloilo noong nakaraang Disyembre.
Napaka-traumatic na karanasan para kay Tatang ang pangyayaring iyon at nais na lamang niyang magkaroon ng ligtas at mapayapang buhay,” dagdag pa ni Gorero.
Matapos ang operasyong iyon, sumama si Tatang sa iba pang miyembro ng NPA na nagtago ngunit nagpasya rin syang umalis sa armadong kilusan noong ika-29 ng Disyembre, 2021, halos anim na taon mula noong lisanin niya ang kanyang tahanan para maging bahagi ng teroristang grupo.
Ayon pa kay Gorero, nagtrabaho si “Tatang” bilang magsasaka at naging kasapi ng kilusan ng Bagong Hukbong Bayan sa pamamagitan ng pagdalo sa isang caucus. Dito ay naakit siya sa pangakong magkaroon ng mas maganda at maayos na buhay.
Gayunpaman, sa ilang taon na siya ay nasa kilusan, walang ibang naramdaman si Tatang kundi ang matinding takot lalo na noong nagsagawa ng operasyon ang mga militar noong Disyembre 1, 2021.
Ang kanyang pagsuko noong Enero 4 ay pinadali ng ilang sibilyan, dagdag ni Gorero. “Sariling desisyon niya iyon. Nais din niyang mapakinabangan ang oportunidad na iniaalok ng gobyerno sa ilalim ng Executive Order No. 70 (Whole of the Nation Approach) tulad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o ECLIP.
“We are looking forward na makukumbinsi niya ang iba na sumuko. Ang kanyang pagsuko ay isang manipestasyon nga na ang gobyerno ay seryoso sa pagbibigay ng magandang kinabukasan para sa ating mga mamamayan, lalo na ang mga dating rebelde” dagdag pa ni Gorero.
Ang CPP-NPA ay nakalista bilang isang teroristang organisasyon sa mga bansa gaya ng United States, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at dito sa Pilipinas.
Pormal na ring itinalaga ng Anti-Terrorism Council ang National Democratic Front (NDF) bilang isang teroristang organisasyon noong ika-23 ng Hunyo, 2021 at kinukonsidera bilang “isang integral at hiwalay na bahagi” ng CPP-NPA na itinayo noong Abril 1973.
#####
Panulat ni Pat Darice Anne Regis