Inilunsad ang Special Task Force (STF) BARMM 2025 sa Police Regional Office BAR nito lamang ika-24 ng Marso 2025, sa Camp BGen Salipada K. Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte.
Pinangunahan ni Police Lieutenant General Bernard M Banac, Commander ng APC-Western Mindanao at STF BARMM 2025 NLE, ang naturang aktibidad katuwang si Police Brigadier General Romeo J Macapaz, Regional Director ng PRO BAR, na dinaluhan ng iba’t ibang Police Provincial Offices, Philippine Army, PCGD BARMM, at COMELEC BARMM.

Layunin ng Special Task Force BARMM 25 na palakasin ang seguridad at tiyakin ang mapayapa, tapat, at maayos na halalan sa rehiyon ng Bangsamoro.
Sa pamamagitan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensyang tagapagpatupad ng batas, puwersa ng militar, at opisyal ng halalan, ipatutupad ng task force ang mga estratehikong plano upang maiwasan ang mga insidente ng karahasan kaugnay ng eleksyon at mapanatili ang kapayapaan sa buong proseso ng halalan.
Ang inisyatibong ito ay patunay ng matibay na pangako ng mga ahensya ng gobyerno na pangalagaan ang demokrasya at tiyakin ang integridad ng halalan sa BARMM.
Panulat ni Pat Veronica Laggui