Camp Bagong Diwa, Taguig City — Matagumpay na inilunsad ng NCRPO ang Simultaneous One-Time Big-Time Community Outreach Program Metro Wide simula nang nakaraang Biyernes hanggang Linggo, May 13-15, 2022.
Ito’y alinsunod sa mandato nitong ilapit ang komunidad sa pulisya sa ilalim ng pamumuno ni PMGen Felipe Natividad, Regional Director ng NCRPO.
Ang programa ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Office of the Regional Community Affairs and Development Division (ORCADD) at pakikipagtulungan ng limang Police Districts at Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO kung saan sabay-sabay na inilunsad ang kabuuang 109 Community Outreach Programs sa 16 na lungsod at isang munisipalidad ng Metro Manila.
Ayon kay PMGen Natividad, ang aktibidad ay nilahukan ng 52 ahensya, 69 other services, 992 Advocacy Support Group na nakadeploy at iba pang stakeholder at force multipliers.
Ayon pa kay RD Natividad, nasa 15,402 benepisyaryo ang nabigyan ng food packs, mainit na pagkain tulad ng lugaw, itlog, mga produkto ng Burger King, at de-boteng tubig.
Higit 31,033 piraso naman ng IEC materials ang naipamahagi sa kanila na naglalaman ng emergency hotline number at mahalagang impormasyon tungkol sa Anti-terrorism, Enhance Comprehensive Local Integration Program at NTF-ELCAC.
Ang aktibidad na ito ay isinagawa sa kasagsagan ng mga rally sa katatapos lang na eleksyon at isa sa mga paraan upang maipaabot sa maralitang komunidad sa Metro Manila ang serbisyo ng pulisya.
“Gusto nating maramdaman ng ating kapwa Pilipino ang presensya ng gobyerno sa kanilang mga komunidad, kaya naman nais namin na paigtingin ang aming ugnayan sa publiko na ang tiwala at kumpiyansa nila sa pulisya at pamahalaan ay makamit para sa iisang pananaw na magkaroon ng ligtas, mapayapa at progresibong komunidad para sa lahat,” ani PMGen Natividad.
###
Panulat ni PSSg Gargantos