Ipinamahagi ni Police Brigadier General Arnold P Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang shoulder-mounted warning lights sa mga tauhan ng Mobile Forces na nagsasagawa ng checkpoint operations sa bayan ng Maasim-Kiamba-Maitum-Palimbang area sa Sarangani Province nito lamang ika-30 ng Abril 2025.
Ang nasabing hakbang ay bahagi ng direktiba ni PBGen Ardiente, upang mapalakas ang kaligtasan at visibility ng mga pulis, lalo na sa mga night operations at sa mga lugar na may mababang visibility.


Ang mga ilaw ay hands-free at idinisenyo upang ikabit sa balikat ng uniporme ng pulis, nagbibigay ito ng sapat na liwanag para madaling makilala ng mga motorista at publiko ang presensya ng mga checkpoint personnel—na makatutulong upang maiwasan ang aksidente at mapabuti ang seguridad sa kalsada.
Ang pamamahagi ng mga safety lights ay bahagi ng pinalakas na law enforcement visibility ng PRO 12 kasabay ng nalalapit na National at Local Elections 2025.
Layunin nito na tiyaking mapayapa, ligtas, at maayos ang eleksyon sa buong rehiyon.
Panulat ni Patrolman Kherwin Jay Medelin