Isinagawa ang send-off ceremony bago tumulak patungong Makkah Kingdom of Saudi Arabia sa 17 Muslim na mga tauhan ng Police Regional Office 9 (PRO9) para sa Banal na Hajj, isa sa Limang Haligi ng Islam nito lamang ika-15 ng Mayo 2025.
Pinangunahan ni Police Brigadier General Roel C Rodolfo, Regional Director ng PRO9, ang seremonya na ginanap sa Sadik Mosque, Camp Col Romeo A. Abendan sa Barangay Mercedes, Zamboanga City.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni PBGen Rodolfo ang kanyang taimtim na panalangin at hangarin para sa isang ligtas, makahulugan, at espiritwal na paglalakbay ng mga peregrino.
“Itinuturing kong karangalan at isang emosyonal na sandali ang makita ang ating mga kapatid sa serbisyo na tumutugon sa tawag ng pananampalataya. Ang paglilingkod sa bayan at sa Diyos ay hindi magkaibang bagay—ito ay magkaugnay na tungkulin,” ani PBGen Rodolfo.
Ang seremonya ay patunay ng suporta ng PRO9 sa pananampalataya at kulturang panrelihiyon ng kanilang mga tauhan, alinsunod sa adbokasiya ng Philippine National Police (PNP) sa pagkakapantay-pantay, paggalang, at kapakanan ng bawat isa sa organisasyon.
Ang Hajj ay taunang banal na peregrinasyon ng mga Muslim patungong Mecca, na isang obligasyong dapat tuparin ng bawat Muslim na may kakayahang pisikal, pinansyal, at mental.
Panulat ni Pat Joyce M Franco