Camp Bagong Diwa, Taguig City — Matagumpay na naisagawa ang Send-Off Ceremony ng Tactical Motorcycle Riders Unit ng Regional Mobile Force Battalion na ginanap sa NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nito lamang Martes, Setyembre 6, 2022.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni PBGen Jonnel C Estomo, Acting Regional Director ng NCRPO kasama si PBGen Jack L Wanky, ADRDO ng NCRPO.
Ang NCRPO sa pamamagitan ng S.A.F.E. (Seen, Appreciated, Felt, and Extraordinary) Program ay nag-maximize sa lahat ng kinakailangang gawin ng pulisya upang madagdagan ang kanilang police visibility at mabilis na pagtugon ng pulisya sa anumang mga insidente. Sa ganitong paraan, makikita at mararamdaman sila ng komunidad.
Gayunpaman, ang programa ay naglalayon na ang puwersa ng pulisya ay hindi lamang kilalanin sa pagpapatrolya kundi pati na rin pagganap sa kanilang tungkulin.
“Kung kailan tulog ang mga tao, ang mga pulis ay gising para kayo ay bantayan.” Ito ang sinumpaan ng mga taga-NCRPO.
Ang bawat Distrito kabilang ang Northern, Eastern, Manila, Southern at Quezon City ay magkakaroon ng dagdag na dalawampu’t apat (24) na tactical motorcycle riders sa kanilang mga area of responsibility.
Ito ay nagpapakita ng agresibo at patuloy na pagpapatrolya ng pulisya upang mabawasan ang paglitaw ng krimen sa lansangan, i-maximize ang pag-aresto sa mga kriminal na nakamotorsiklo at pataasin ang mga hakbang sa seguridad para sa mamamayan.
Ito ay kaugnay din sa Peace and Security Framework ng C, PNP, PGen Rodolfo S Azurin, Jr na MKK=K. Ang unang K na KAAYUSAN ay nagsasaad sa pangunahing tungkulin ng pulisya sa pagpapatupad ng mga batas, ordinansa at iba pang umiiral na mga kautusan para sa kaligtasan at kaayusan sa mga komunidad.
Sa mensahe ni PBGen Estomo ay binigyang-diin niya na ang S.A.F.E. NCRPO ay isang holistic at komprehensibong programa na sumasaklaw sa mga kailangang mekanismo sa koordinasyon ng komunidad upang umunlad. “Sa pagharap sa pagsasakatuparan ng aming pagsisikap, magtatatag kami ng isang malakas na pakikipagtulungan sa komunidad na nagbibigay-diin sa pilosopiya ng community policing kung saan ang pulisya at ang komunidad ay nagtutulungan tungo sa isang malusog, walang krimen at maayos na komunidad,” dagdag pa ni PBGen Estomo.
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSG Remelin M Gargantos