Muling tiniyak ng Pambansang Pulisya ang seguridad at integridad ng ating demokratikong proseso sa darating na halalan sa kabila ng mga naitatalang mga insidente sa pagitan ng mga kandidato at kani-kanilang supporters sa iba’t ibang panig ng bansa.
Puspusan ang ginagawang mga hakbang ng Pulisya para palakasin ang kompanya kontra sa mga karahasang may kinalaman sa eleksyon bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang isang mapayapa at maayos na proseso ng halalan.
Ito ay kasunod ng magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Cagayan at Abra. Naitalang binaril ang Alkalde ng Rizal na sanhi ng kanyang pagkasawi habang nangangampanya sa loob ng gymnasium noong April 23. Samantalang si DZRH reporter Romy Gonzales ay nailigtas sa kapahamakan matapos umanong pagbantaan ng isang kandidato sa lalawigan ng Abra sa isang insidente rin ng pamamaril.
Kasalukuyang nakikipagtulungan ang Special Investigation Task Group (SITG) sa mga lokal na opisyal at saksi para matukoy ang buong nangyari at kung anong motibo sa likod ng krimen, ganyundin ang pagtiyak ng PNP Media Vanguard na bigyang proteksyon ang mga propesyonal na mamamahayag na nakakaranas ng banta ngayong election season.
Patunay ang ganitong mga hakbangin sa dedikasyon at patuloy na pagsusumikap ng pulisya at kasalukuyang administrasyon upang protektahan ang mga miyembro ng media mula sa karahasan at intimidation.
Patuloy na nagpapaalala ang PNP sa lahat ng mga kandidato, kanilang mga tagasuporta, at ang publiko na sundin ang mga batas ng halalan, iwasan ang anumang uri ng pananakot o karahasan, at makipagtulungan sa mga awtoridad para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ngayong halalan.
Photos by PCP Libag