Sa patuloy na pagpapatupad ng kampanya para sa Ligtas SUMVAC 2025 at bilang paghahanda sa darating na pagdiriwang ng Labor Day, nagsagawa ng Information Drive ang mga tauhan ng Bohol Tourist Police Unit noong Abril 28, 2025.
Sa pamumuno ni Police Major Cresente Arcana Gurrea, Hepe ng nasabing yunit, isinagawa ang aktibidad sa Bagsakan Market sa Sitio Sapa, Barangay Bolod, at sa mga tricab drivers at operators sa Alona, Barangay Tawala.


Sa pamamagitan ng mga dayalogo at pakikipag-usap sa mga fish vendors, tindero’t tindera, lokal na residente, at mga mamimili, ipinaabot ng kapulisan ang mahahalagang paalala hinggil sa Crime Prevention and Safety Tips at Ligtas SUMVAC 2025 Guidelines.
Bahagi ng aktibidad ang pamamahagi ng mga flyers na naglalaman ng mga paalala ukol sa kaligtasan—mula sa personal na seguridad hanggang sa pagiging mapagmatyag sa mga pampublikong lugar. Partikular na pinaalalahanan ang mga driver at operator ng tricab na palaging isaalang-alang ang mga patakaran sa ligtas na pagmamaneho, lalo na ngayong inaasahan ang pagdagsa ng mga turista.
Ang ganitong hakbang ay patunay ng pangakong serbisyo ng Bohol Tourist Police Unit na pangalagaan ang kapakanan ng mga turista at lokal na komunidad, sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon, pag-uugnayan sa mga mamamayan, at pagpapalakas ng presensya ng kapulisan sa mga mataong lugar.