Himas rehas ngayon ang isang security guard matapos mahulihan ng mahigit Php1.3M halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Purok Shooting Star, Barangay Babag, Lapu-Lapu City, Cebu nitong ika-21 ng Marso 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Jewel Matura Nicanor, Chief ng City Intelligence Unit, Lapu-Lapu City Police Office, ang suspek na si alyas “Taguro”, 30-anyos, High Value Individual, residente ng Jaclupan Campo 3, Talisay City, Cebu.
Ikinasa ang naturang operasyon bandang 8:57 ng gabi ng pinagsanib pwersa ng PDEA 7 at City Drug Enforcement Unit, City Intelligence Unit ng Lapu-Lapu City Police Office na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek.
Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang 10 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 200 gramo at may Standard Drug Price na Php1,360,000, isang nokia cellphone, sling bag, at buy-bust money.
Patuloy naman na pinapaigting ng buong hanay ng Lapu-Lapu City Police Office ang kampanya kontra iligal na droga para sa pag-unlad at pagkamit ng isang maayos, ligtas, at mapayapang Bagong Pilipinas.