Pandacan, Manila — Arestado ang isang Security Guard matapos saksakin ang isang pulis Maynila nito lamang Sabado, Abril 16, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Dennis Rodriguez, Chief of Police ng Pandacan Manila ang suspek na si Ernesto Mercader Delorino Jr alyas “Larry”, 41, Security Guard na nagtatrabaho sa Blue Cavalier Security Agency at residente ng Almanza Uno, Las Pinas City.
Ayon kay PLtCol Rodriguez, bandang alas-11:00 ng gabi ay naganap ang insidente sa Jesus St., sa harap ng Sto. Nino de Pandacan Church, Brgy. 833 Pandacan, Manila.
Batay sa ulat, ang biktimang si Patrolman Jayson A Cuarteros ay kasalukuyang nakatalaga sa Beata PCP, PS10, MPD na namamahala sa Police Assistance Desk nang ang suspek, sa hindi malamang dahilan, ay sinaksak siya sa likod gamit ang kutsilyo. Ito ang nagtulak kay Pat Cuarteros na barilin ang suspek bilang ganti.
Dahil dito, nasugatan ang suspek at dinala sa Sta. Ana Hospital habang ang sugatang pulis ay dinala sa Ospital ng Maynila.
Nakumpiska kay Delorino Jr ang isang kitchen knife na may haba na siyam na pulgada.
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang naarestong suspek.
Tiniyak ni PLtCol Rodriguez, na hindi palalampasin ang ganitong uri ng pangyayari at pananagutin sa batas ang nagkasala upang makamit ng biktima ang hustisyang nararapat.
###
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos