Inilunsad ng Oriental Mindoro Maritime Police Station ang isang makabagong programa sa edukasyon na “School in a Boat Project” na ginanap sa tabing-dagat ng Barangay Lazareto, Calapan City, Oriental Mindoro nito lamang ika-3 ng Nobyembre 2024.
Naisakatuparan ito sa pangunguna ni PLt Ruel DG Dela Peña, Officer-in-Charge, kasama ang kanyang mga tauhan.
Layunin ng programang ito na magbigay ng abot-kayang non-formal na edukasyon para sa mga kabataang nasa baybayin, lalo na sa mga out-of-school youth na may limitadong access sa tradisyunal na paaralan.
Ang proyekto ay isang malikhaing paraan ng pagdadala ng edukasyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng klase sa bangka, na nagsisilbing lumulutang na silid-aralan.
Binibigyang-diin ng programa ang pagtutulungan ng komunidad at pag-akma sa mga pangangailangan ng kabataang mag-aaral sa malalayong lugar.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na nagtuturo ng mga pundamental na kaalaman at praktikal na kasanayan, hangad ng “School in a Boat Project” na pukawin ang interes ng mga bata sa pag-aaral at bigyan sila ng mga kasanayang makakatulong sa kanilang pag-unlad.
ipinapakita ng proyekto kung paano maaaring pagtagumpayan ang mga hamong heograpikal at pang-ekonomiya sa pamamagitan ng inobasyon at pagtutulungan, para sa isang mas maliwanag na kinabukasan ng mga kabataan sa komunidad.
Source: Oriental Mindoro Maritime Police Station
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadaña