Nagsagawa ng school-based outreach program ang mga tauhan ng 2nd Ifugao Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Guitte Primary School – Annex, Ducligan, Banaue, Ifugao nito lamang ika-18 ng Marso 2024.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Samson L Kimayong, Force Commander ng 2nd Ifugao PMFC, ang programa ay kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan at sa ilalim ng Revitalized Pulis sa Barangay na naglalayong maghatid ng serbisyo sa komunidad katuwang ang mga guro, mga barangay officials at faith-based group.
Tampok sa aktibidad ang isinagawang talakayan hinggil sa Anti-Violence Against Women and their Children, Awareness on Anti-illegal drugs, anti-terrorism at PNP Patrol Plan 2030 upang itaas ang kamalayan at hikayatin ang mga kalahok na makiisa sa programa ng pambansang pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng komunidad.
Bukod pa rito, namahagi rin sila ng isang set ng school materials at isang chess board sa nasabing paaralan, at isa pang chess board sa Patpat Primary School na sinundan ng isang masayang feeding program at libreng gupit sa mga mag-aaral kasama ang kanilang mga magulang bilang bahagi ng “Pulis Ko, Barbero Ko” na isa sa mga best practices ng nasabing yunit.
Dagdag pa rito ay matagumpay rin silang nakapagtanim ng 50 punla ng narra at mahogany sa paligid ng nasabing paaralan.
Ito ay patunay na ang Pambansang Pulisya katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay patuloy sa pagpapatupad ng mga programa at maghahatid ng serbisyo sa mga komunidad tungo sa nagkakaisang Bagong Pilipinas.
Panulat ni PSSg Ermilinda Cacliong