Cotabato City – Pinagbabaril ang sasakyan ng isang abogado ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City nitong Huwebes, Abril 7, 2022.
Kinilala ni Police Major Elexon Bona, Chief of Police ng Police Station 2, Cotabato City Police Office, ang mga biktima na sina Atty. Ronald Hallid Torres, 37, residente ng Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City kasama ang Security Escort nitong si Al Mansour Mohamad, 26, residente ng Brgy. Tamontaka, Cotabato City at driver nitong si Mohammad Solaiman Salik, 36, residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao.
Ayon kay PMaj Bona, papasok na sana ang mga biktima sa gate ng bahay ni Atty. Torres lulan ng sasakyan nang bigla na lamang silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng kulay blue Toyota Hi-lux na walang plate number na agad namang tumakas mula sa pinangyarihan.
Wala namang nasaktan sa mga biktima at agad silang nagtungo sa Police Station 2 CCPO upang iulat ang nasabing insidente.
Narekober naman sa pinangyarihan ang dalawang fired cartridge na pinaniniwalaang nagmula sa Caliber 5.56mm.
Samantala, inaalam pa ang motibo nang pamamaril habang patuloy naman ang pagsasagawa ng Hot Pursuit operation ng Cotabato City PNP para sa agarang pagkakadakip ng mga suspek.
###
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz