Opisyal na tinanggap ng Santa Ana Municipal Police Station ang sertipikasyon bilang pagpapanatili ng Drug-Free Workplace sa isang seremonyang idinaos sa kanilang himpilan, ngayong araw, Nobyembre 26, 2025.
Tampok sa programa ang pag-award ng Drug-Free Workplace Certificate at ang pormal na deklarasyon nito, bilang pagkilala sa pagsunod ng PNP Santa Ana sa itinakdang pamantayan at sa kanilang matatag na pangako sa isang ligtas at maayos na lugar ng trabaho. Malugod na tinanggap ng hepe na si PMaj Jozepf B Agustin, ang sertipikasyon bilang isang patunay ng kanilang patuloy na pagsusumikap na mapanatili ang isang drug-free na kapaligiran sa himpilan.

Dumalo sa naturang aktibidad ang mga pangunahing opisyal, kabilang sina Hon. Mayor Nelson P. Robinion, na kinatawan ni Mr. Michael G. Villamin, MLGOO IV; PCol Mardito G. Anguluan, Provincial Director ng CPPO, na kinatawan ni PMaj Florentino Marallag, Acting Chief, PCADU; Hon. Leo Madarang, Sangguniang Bayan Committee Chairperson on Peace and Order; at PDEA Cagayan Provincial Officer IA V. Jojo Gayuma.
Nagbigay naman ng kanilang mensahe ng suporta at paggabay ang mga kinatawan mula sa PDEA, DILG, PCADU, at Sangguniang Bayan. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagpapanatili ng isang ligtas at drug-free na kapaligiran sa trabaho, gayundin ang patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya upang higit pang mapalakas ang kampanya kontra ilegal na droga.

Bilang pagtatapos, nagbigay ng closing remarks si PMaj Agustin, kung saan ipinahayag niya ang lubos na pasasalamat sa lahat ng katuwang na ahensya at muling tiniyak ang patuloy na dedikasyon ng Santa Ana Police Station sa disiplina, integridad, at propesyonalismo sa paglilingkod-bayan.



